Aalamin ng Senate Impechment Court kung paano ginastos ang confidential funds ngayong ikalimang linggo ng impeachment trial ni Vice President Sara Duterte.
Ayon kay House Prosecutor Terry Ridon, tatalakayin ngayong linggo ang detalye kung ano ang nangyari sa inencash na pera, gayundin kung kanino ito napunta at bakit sa ganitong paraan ginamit.
Nakatakda ngang tumestigo ngayong linggo ang dalawang state auditors mula sa Commission on Audit (COA) at isa pang archivist.
Hindi naman isinasantabi ng mambabatas ang posibilidad na talakayin ang hinggil sa kontrobersiyal na Mary Grace Piattos.
Matatandaang noong nakaraang linggo tumestigo ang dalawang dating branch manager ng Land Bank of the Philippines (LandBank) sa paglilitis ni VP Sara, kung saan inilarawan nila bilang “unusual” hindi pangkaraniwan ang malalaking cash withdrawal ng Office of the Vice President at Department of Education (DepEd).
Pinatunayan ng dalawang testigo na may kabuuang P612.5 milyong pampublikong pondo ang inilabas sa pamamagitan ng mga tseke at kinuha bilang cold cash.
Ayon kay Violeta Constantino, dating branck manager ng LandBank Shaw Boulevard branch, apat na beses nag-encash ng tig-₱125 milyong tseke si OVP Special Disbursing Officer Gina Acosta sa pagitan ng Disyembre 2022 at Hulyo 2023. Isinilid ang pera sa tatlo hanggang apat na malalaking gym bag sa isang pribadong kwarto ng bangko.
Habang ayon naman kay Nenita Camposano, dating branch manager ng LandBank DepEd branch, tatlong beses namang nag-withdraw ng tig-₱37.5 milyong cold cash si DepEd Special Disbursing Officer Edward Fajarda noong si VP Sara pa ang kalihim ng kagawaran.
Samantala, hindi naman na nagsagawa ng cross-examination ang depensa sa mga testigo. Ayon kay Atty. Michael Poa, opinyon lamang ng mga manager ang salitang unusual, bagamat kinumpirma ng abogado ang mga isinagawang withdrawal, na aniya’y dumaan sa tamang proseso ng bangko.
Muli namang ipagpapatuloy ang impeachment trial mamayang alas-10:00 ng umaga, Lunes, Agosto 3.
















