-- Advertisements --

Hiniling ng ilang civic society groups na mapaimbestigahan ang pagkalat ng mga kabaong iniwanan kamakailan sa iba’t ibang bahagi ng Metro Manila. 

Naniniwala ang mga makabayang grupo na ang ginawang ito ay nagdulot umano ng mga tanong at kontrobersiya nang matagpuan ang mga kabaong sa ilang lungsod sa kamaynilaan. 

Giit ng chairman emeritus ng grupong Alyansa ng Bantay sa Kapayapaan at Demokrasya, Filipinos Do Not Yield Movement at iba pa, na si Dr. Jose Antonio Goitia na dapat maimbestigahan o matukoy kung sino ang nasa likod sa paglalagay ng mga kabaong kamakailan. 

Panagutin aniya raw ang mga ito sakaling mapatunayang mayroon paglabag sa batas at hiniling na ang katotohanan ay nararapat na malaman. 

Binigyang diin nila na sinuman ang lumabag at responsable ay dapat managot lalo pa’t kung meron organisasyong pasimuno ng insidente. 

Magugunita na nitong nakaraang linggo, ilang kabaong ang natagpuan inabandona sa lungsod ng Maynila, Caloocan, Quezon City at Makati. 

Kalakip sa mga iniwanang ito ay ang mensaheng kontra sa bansang Tsina. 

Sa kabila nito, inihayag ng grupo na bagama’t nakakabahala ang mga simbolong ginamit, hindi umano ito mababago ang paninindigan na ang mga Pilipino ay nananatiling may karapatan ipagtanggol ang karapatan ng bansa.

Lalo pa’t patuloy ang pang-aangkin at panggigipit ng dayuhan bansa sa teritoryong pagmamay-ari ng Pilipinas na ‘West Philippine Sea’.