-- Advertisements --

Sinabi ni dating Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Manuel Bonoan na nabuo ang tinatawag na “Senate Leadership Fund” matapos mabahala umano si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa laki ng mga congressional insertion sa national budget.

Sa isang ulat sinabi umano ni Bonoan sa kanyang affidavit na isinumite sa Sandiganbayan na layunin ng sistema na maiwasan ang pagbabawas sa pondo ng mga programa ng DPWH at sa halip ay maisama na sa panukalang budget ng ahensya ang mga prayoridad na proyekto ng mga senador.

Nagsimula aniya ang problema noong 2023 nang mabawasan nang malaki ang pondo para sa mga foreign-assisted project ng DPWH—mula kasi sa P70.71 billion naging P7.938 billion na lamang umano ito.

Liban dito ang mga nabawas na pondo aniya, kasama ang karagdagang P292.715 billion sa 2023 General Appropriations Act, ay naging 8,075 na bagong “inserted projects.”

Ipinabatid umano ni Bonoan kay PBBM ang nabawas na malaki sa pondo. Ayon sa dating kalihim, nabahala ang Pangulo at nagbigay ng direktiba na tiyaking patas ang distribusyon ng resources, lalo na sa mga mahihirap na lalawigan.

Dahil dito, iminungkahi umano ni Bonoan ang Senate Leadership Fund para maisama na sa proposed DPWH budget ang mga priority project ng mga senador.

Layunin umano nitong mabawasan ang posibilidad na baguhin o kaltasan ng mga mambabatas ang budget ng DPWH para sa kanilang mga proyekto.

Umaabot sa bilyon-bilyong piso

Ayon kay Bonoan, walang permanenteng halaga ang pondo para sa bawat senador, ngunit may minimum na P500 million ang bawat isa. Ang Senate President at mga chairperson ng komite ay umano’y may hindi bababa sa P1 billion.

Sinabi ni Bonoan na umabot sa P13.29 billion ang nagamit mula sa Senate Leadership Fund noong 2024 at tinatayang P21 billion naman noong 2025.

Nakipagpulong umano siya noon kay dating Senate President Juan Miguel Zubiri noong 2024 at kay dating Senate President Francis “Chiz” Escudero noong 2025 hinggil sa pondo.

Ayon pa kay Bonoan, alam din umano ng economic team ng administrasyon ang inisyatiba, na may internal allocation limit na P24 billion para sa 2024 budget.

Samantala, sinabi rin ni Bonoan na may hiwalay na formula para sa infrastructure allocations ng mga congressional district.

Kabilang sa mga batayan ang populasyon, lawak ng lupain, kontribusyon sa GDP, vulnerability sa kalamidad, antas ng infrastructure development at bilang ng mahihirap na lalawigan.

Hindi napigilan ang budget insertions

Gayunpaman, sinabi ni Bonoan na hindi naging epektibo ang Senate Leadership Fund sa pagpigil sa budget insertions.

Ayon sa kanya, mas dumami pa ang congressional initiatives sa 2024 at 2025 budgets, kabilang ang pagtaas ng DPWH budget dahil sa mga idinagdag na proyekto.

Isinumite ni Bonoan ang affidavit bilang prosecution witness laban kay dating senator Bong Revilla, na nahaharap sa P92.8-million malversation case kaugnay ng umano’y maanomalyang flood control projects.

Si Bonoan mismo ay nahaharap din sa plunder case kasama si Senator Jinggoy Estrada.

Samantala, patuloy umanong interesado ang Office of the Ombudsman na gamitin si Bonoan bilang state witness laban kay dating House Speaker Martin Romualdez.