Ilang pamilya na sa Quezon City at Malabon ang lumikas bilang pag-iingat matapos lumampas sa spilling level ang La Mesa Dam dahil sa malakas na pag-ulan dulot ng Habagat.
Nabatid na umabot sa 80.22 meters ang water level ng dam, lagpas ‘yan sa 80.15 meters spilling level.
Sa Malabon, nasa 30 pamilya ang nagsagawa ng preemptive evacuation at pansamantala munang nanalagi sa Tinajeros Elementary School.
Samantala, 85 pamilya naman mula sa Quezon City ang lumikas patungo sa North Fairview High School, bilang paghahanda sa posibleng mga pagbaha.
Inaasahan ng mga awtoridad na maaaring umabot pa sa 200 pamilya ang lilikas mula sa apat na barangay sa Malabon kapag patuloy pang tumaas ang tubig sa Tullahan River.
Pinapayuhan ang mga residenteng nakatira sa mabababang lugar at malapit sa ilog na maging alerto at agad na sumunod sa evacuation orders.















