Napilitang inilikas ang mga residente malapit sa Tullahan River sa Quezon City matapos umapaw sa spilling level ang La Mesa Dam kagabi dahil sa tuloy-tuloy na malakas na ulan.
Umabot sa 141 pamilya o 401 indibidwal mula Sitio 1 at Astor Street ang inilikas sa North Fairview High School.
Ayon sa mga awtoridad, pinayuhan na ang mga residente na lumikas simula pa noong Lunes ng hapon, ngunit may ilan pa ring inabutan ng mabilis na pagtaas ng tubig.
Aabot naman sa 80 na bahay ang naapektuhan ng baha na may taas na hanggang limang talampakan.
Pagsapit ng Martes ng umaga, unti-unti nang humupa ang tubig baha at nakabalik na ang ilang residente upang maglinis ng kanilang mga bahay na nabalot sa putik.
Gayunpaman, sinabi ng ilang residente na halos taon-taon na nilang nararanasan ang matinding pagbaha sa lugar.















