Lumampas na sa spilling level ang tubig sa La Mesa Dam nitong Lunes ng gabi, Agosto 10, matapos ang sunod-sunod na mga pag-ulan dulot ng Habagat.
Kung saan naitala na ang 80.27 meters water level ng dam pasado alas-9 ng gabi.
Lagpas na ‘yan sa 80.15 meters na normal spilling level ng dam.
Mas maagang naitala ang spilling level ng dam pasado alas-5 ng hapon kanina, na nasa 80.15 meters.
Bandang alas-11 ng umaga, nasa 80.11 meter na ang lebel ng tubig.
Ayon sa PAGASA, maaaring umapaw ang excess floodwater kapag umabot na sa 80.15 meter ang water level ng La Mesa Dam.
Posibleng maapektuhan ng pag-apaw ng tubig ang mga mababang lugar malapit sa Tullahan River, kabilang ang ilang bahagi ng Quezon City, Caloocan City, Valenzuela City, Malabon City at Navotas City.
Sa Quezon City, kabilang sa mga lugar na posibleng maapektuhan ng baha kapag umapaw ang dam ay ang Fairview, Forest Hills Subdivision, Quirino Highway, Sta. Quiteria at San Bartolome.
Habang sa Valenzuela City, kabilang ang mga lugar malapit sa North Expressway at La Huerta Subdivision ang posibleng maapektuhan.
Dahil dito, pinapayuhan ng PAGASA ang mga residenteng nakatira sa mga nabanggit na lugar, lalo na ang mga malapit sa ilog, na manatiling alerto sa posibilidad ng biglaang pagbaha o flash floods.
















