Nakatakdang mag-isyu ang Department of Education (DepEd) ng supplemental policy upang tugunan ang isyu sa child protection sa konteksto ng home-based learning at homeschooling.

Ayon sa DepEd, ilalabas ang supplemental policy matapos ang isinagawang serye ng mga konsultasyon sa iba’t ibang mga stakeholders noong nakalipas na taon.

-- Advertisement --

Ikokonsidera rin aniya ang mga aral at kaalamang napulot mula sa implementasyon ng Basic Education-Learning Continuity Plan (BE-LCP) ngayong school year.

Paliwanag pa ng DepEd, ito ay bahagi ng hakbang upang paghusayin pa ang kanilang Child Protection Policy.

Samantala, muli ring inihayag ng kagawaran ang kanilang commitment na bumuo ng isang angkop at ligtas na kapaligiran para sa mga mag-aaral, lalo sa panahon ngayon kung saan lantad ang mga bata sa Internet.

Sinabi ng DepEd na patuloy ang paggawa nila ng mga hakbang para mapangalagaan ang mga kabataan sa paggamit ng digital media.

Maliban dito, pinalakas din daw nila ang kanilang mga advocacy campaign at nag-organisa rin ng serye ng mga national summit at webinars para ituro sa mga kawani ng ahensya, mga magulang, guardians, at sa mga mag-aaral kung papaano mapoprotektahan ang mga bata mula sa mga panganib online.