Ipinahayag ng Department of Education (DepEd) nitong Linggo ang pangangailangan na simulan na ang pagtuturo ng literacy skills sa mga mag-aaral sa murang edad, kasunod ng resulta ng 2024 Functional Literacy, Education, and Mass Media Survey (FLEMMS) na nagsiwalat na mahigit 18 million na junior high school graduates ang itinuturing na functionally illiterate o mababa ang pagkaunawa sa mga aralin.
Ayon kay DepEd Assistant Secretary Jerome Buenviaje, ang maagang pagtutok sa literacy, mula Kindergarten hanggang Grade 3, ay mahalaga upang maiwasan ang paghihirap ng mga mag-aaral na makasabay sa mga susunod na baitang. Dagdag pa niya, hindi sapat ang aksyon ng DepEd lamang dahil apektado rin ng iba pang salik gaya ng malnutrisyon.
Mula 2023, ipinatupad na ang revised K-10 curriculum na nagbawas ng 70% sa mga learning competencies at nagbigay-diin sa foundational skills sa Kinder hanggang Grade 3 gaya ng literacy, numeracy, at socio-emotional development.
Ipinahayag naman ni Education Secretary Sonny Angara na hindi papayagan ng DepEd na may maiiwang mag-aaral sa pagbasa at pag-unawa, at tiniyak ang patuloy na pagtutok ng kagawaran sa pagsusulong ng functional literacy para sa lahat.
Samantala, binatikos ni Senadora Loren Legarda ang datos ng FLEMMS, na aniya’y nagpapakita ng sistematikong pagkukulang sa edukasyon.
Sa bagong batayan ng PSA para sa 2024 FLEMMS, mas naging mahigpit ang pagtukoy sa functional literacy, kung saan kinakailangan ng kakayahang magbasa, magsulat, magkwenta, at umunawa — dahilan ng mas mataas na bilang ng mga hindi pumapasa.
Ayon kay Legarda, ang krisis sa literacy ay hindi lamang problema ng paaralan kundi banta rin sa kinabukasan ng bansa.