-- Advertisements --

Nag-alok ngayon ng Cattle Fattening Credit Program ang Department of Agriculture para sa mga out-of-school youths (OSY) sa Bohol sa pamamagitan ng Agricultural Credit and Policy Council (DA-ACPC).

Ginawa ni Agribusiness and Marketing Assistance Division (AMAD) chief Petronila Corpuz ang paglahad ng bagong credit program na ito matapos ang isinagawang briefing ng kinatawan ng ACPC.

Dinaluhan din ito ng ilang tauhan ng DA7, Agricultural Training Institute (ATI), Philippine Crop Insurance Corp. (PCIC) at Bohol Province Veterinary Office (PVO).

Sa ilalim ng loan features, maaaring maka-avail ng hanggang P 200,000 ang eligible na out-of-school youths para sa pagbili ng mga pampataba ng baka, pagtatayo ng livestock housing at para sa buwanang suweldo at sahod para sa unang taon na operasyon.

Mayroon itong taunang rate ng interes sa lumiliit na balanse kasama ang bayad sa serbisyo at babayaran sa loob ng 5 taon na may isang taong palugit sa principal payment.

Para maka-avail ng cattle loan program, ang interesadong out-of-school youths (OSY) ay kailangang nasa edad 18-24 taong gulang, may magandang moralidad, handang humiram at magsagawa ng negosyong pag-aalaga ng hayop at sumailalim sa pagsasanay sa pag-aalaga ng baka.

Isa pa ang Bohol sa 6 na target na priority province ng nasabing credit program kung saan kabilang din ang Ilocos Norte (Rehiyon 1), Rizal (Rehiyon IV-A), Leyte (Rehiyon VIII), Surigao Del Norte (Rehiyon XIII), at Tawi Tawi (Rehiyon BARMM).