-- Advertisements --

Sa gitna ng mga ulat hinggil sa posibleng arrest warrant mula sa International Criminal Court (ICC), binasag ni Senador Ronald “Bato” dela Rosa ang kanyang pananahimik sa pamamagitan ng mga post sa social media na may kaugnayan sa kanyang pananampalataya.

Si Dela Rosa, na hindi dumalo sa huling dalawang sesyon ng Senado, ay nagbahagi ng dalawang magkahiwalay na post — una, isang larawan niya habang hawak ang Santo Niño, at ikalawa, mga larawan kasama si Father Cianno Ubod ng Compostela Parish Church sa Cebu.

Ibinahagi ng senador ang tungkol sa kanyang unang pakikipagtagpo kay Ubod.

Aniya, sa mga panahon daw tulad nito, kailangang humingi ng gabay mula sa spiritual adviser sabay humingi ng pasalamat kay Father Ubod.

Hindi pa malinaw kung nasa Cebu pa rin si Dela Rosa sa kasalukuyan, ngunit isang linggo na ang nakalipas mula nang mag-post siya ng mga video habang tumutulong sa mga nasalanta ng bagyo sa naturang lalawigan.

Dagdag pa, hindi pa rin  tumutugon si Dela Rosa sa umano’y pag-isyu ng ICC ng arrest warrant laban sa kanya.

Ayon sa kanyang abogado, si Atty. Israelito Torreon, batid nila ang kumakalat na mga ulat ngunit wala pa silang kumpirmasyon kung totoo ang impormasyon.

Si Dela Rosa ay nahaharap sa mga kasong may kinalaman sa crimes against humanity dahil sa papel na ginampanan niya noong panahon ng madugong kampanya kontra droga ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.

Bilang dating hepe ng Philippine National Police at itinuturing na pangunahing opisyal ni Duterte, si Dela Rosa ang naglabas ng Command Memorandum Circular No. 16-2016 matapos niyang maupo bilang PNP chief.

Ang nasabing memorandum ang naging batayan ng Project Double Barrel, na siyang nagpasimula ng kampanya laban sa ilegal na droga ni Duterte na kalaunan ay nakilala bilang Oplan Tokhang.