-- Advertisements --

Naniniwala si Commission on Elections (Comelec) na kinakailangan nang mare-define at mare-examine ang definition ng vote buying sa kasalukuyang umiiral na batas ngayon sa ating bansa.

Ito ay matapos na maipanukala sa Kongreso na isama na ang pagbili at pagbebenta ng boto sa heinous crimes na nakasalig sa ating batas na layuning mapabigat pa ang kaparusahang ipapataw sa sinumang mapatunayang guilty dito.

Paliwanag ni Comelec chairman George Erwin Garcia, ang vote buying nakasalig pa sa omnibus election code na ginawa pa noong taong 1985 na posibleng may butas para hindi maging sapat ang mga ebidensyang inihain laban sa akusado na maaari nitong gamitin para sa pansariling benepisyo.

“Alam niyo po ang vote buying ay nasa Section 261 A ng Omnibus Election Code.. ang Omnibus Election Code 1985 pa po yan. Hindi ko po sinasabi na wala nang kwenta yung definition ng vote buying sa ating umiiral na batas. Ang sinasabi ko lang po, mula noong 1985 hanggang sa kasalukuyan, medyo matagal-tagal na panahon na ‘yon.” saad ni Garcia.

Kasabay kasi aniya ng pagpapabigat ng parusa ng vote buying ay ang muling pagbusisi kung sapat ba ang kasalukuyang umiiral na batas para mapanagot ang sinumang sangkot dito.

“Marapat na siguro po na bago natin pabigatin ang parusa para sa pamimili ng boto ay mas maari po sigurong maganda na i-redefine natin o reexamine natin ang definition ng vote buying sa ating umiiral na batas.”

“Halimbawa po, bakit ba wala halos napo-prosecute? Bakit wala tayong nakikitang nakakalaboso sa pamimili ng boto? Yun ba ay dahil sa definition lamang? o baka dahil sa definition ng vote buying ay may butas na kung saan nagagamit nung mga indibidwal na involve sa pamimili o yung mga tao nilang namimili upang makaligtas sila and therefore, hindi maging stand sa korte. Tatandaan po natin ang sa korte po is evidence of guilt beyond reasonable doubt.” ayon kay Garcia.

Samantala, sa kabilang banda naman ay nilinaw ni Garcia na hindi naman talaga kinakailangang mapasama sa heinous crime ang vote buying para maiwasan ito dahil basta’t mas mapabigat lang aniya ang parusa ukol dito ay malaking bagay na raw para mapababa pa ang indisidente ng kaso nito.

Ngunit kung ito aniya ay mapagdedebatihan sa Kongreso na siyang may hurisdiksyon na tumukoy sa kung ano ang mga ikokonsidera na heinous crime ay mas magiging maayos aniya ito at maganda kung maipapasa at maipapatupad.

Magugunita na una nang nagpahayag ng pagsuporta ang Comelec sa naging panukalang batas ni Malasakit at Bayanihan party-list group Representative Anthony Golez Jr. na gawing heinous crime mula sa dating election offense ang vote buying.