-- Advertisements --

Apat na indibidwal ang naaresto sa Quezon City sa isang magkasanib na operasyon na naglalayong sugpuin ang ilegal na jueteng at mga aktibidad na may kaugnayan sa lotto.

Ang matagumpay na entrapment operation ay isinagawa ng pinagsanib na pwersa ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO), Quezon City Police District (QCPD), at ng Department of Information and Communications Technology (DICT) sa pamamagitan ng Cybercrime Investigation and Coordinating Center (CICC).

Ang nasabing operasyon ay resulta ng masusing pagmamanman at pagtugis sa mga indibidwal na sangkot sa ilegal na sugal.

Sa isinagawang imbestigasyon, natukoy na ang mga naaresto ay dating authorized small town lottery agents ng PCSO.

Ang kanilang kontrata sa ahensya ay nagtapos noong July 14. Sa kabila nito, nabigo silang mag-renew ng kanilang kontrata ngunit nagpatuloy pa rin sa kanilang operasyon.

Ang kanilang patuloy na pagpapatakbo ng ilegal na sugal ay nagdulot ng pagkabahala sa PCSO, na siyang may mandato na pangalagaan ang legal na operasyon ng lotto at iba pang charity games.

Ayon sa PCSO, ang hindi awtorisadong online lottery operations ay isang malaking problema dahil direktang nakakaapekto ito sa revenue ng ahensya.

Ang kinikita ng PCSO mula sa legal na lotto at iba pang charity games ay nakalaan para sa mahahalagang medical assistance programs at iba pang mga proyekto ng gobyerno.

Kapag bumaba ang kita ng PCSO dahil sa ilegal na sugal, nababawasan din ang pondo para sa mga programang ito.

Dagdag pa rito, binigyang-diin ng PCSO na delikado rin kapag nagpapataya ang mga illegal operators dahil walang kasiguruhan kung naibibigay ang premyo sa mga nanalo.