Pasok na sa semifinals ang defending champion na Boston Celtics matapos nitong ipalasap sa Orlando Magic ang gentleman’s sweep (4-1).
Sa huling tapatan ng dalawang team (Game 5), bumida ang 2-way player na si Jayson Tatum at gumawa ng 35 points, sampung assists, at walong rebounds habang 23 points naman ang sagot ng ka-tandem na si Jalen Brown.
Ipinalasap ng defending champion ang 31 points na pagkatalo sa Orlando, 120 – 89.
Nagawa pa ng Magic na makipagsabayan sa unang kalahating bahagi ng laban at natapos ito sa score na 49 – 47, hawak ang dalawang puntos na kalamangan laban sa Boston.
Gayonpaman, pagpasok ng 3rd quarter ay gumawa ang Boston ng 36 – 13 run at ipinoste ang 21 points na kalamangan laban sa mga bagitong Magic.
Hindi na rin nakabawi ang Magic sa huling quarter dahil sa episyenteng scoring ng defending champion.
Sa ikalawang pagkakataon na makapasok sa playoffs ang Magic na pinangungunahan ng dalawang forward na sina Paolo Banchero at Franz Wagner, muling nagpakita ang mga ito ng potential na sabayan ang mga mas batikang team. Sa game 5, gumawa si Wagner ng 25 points habang 19 points, 9 rebounds, at anim na assists ang ipinamalas ni Banchero.
Makakaharap ng Boston ang mananalo sa pagitan ng New York Knicks at Detroit Pistons. Sa naturang matchup, hawak ng Knicks ang 3-2 lead, matapos ibulsa ng Detroit ang isang panalo ngayong araw, April 30, at dalhin sa homecourt nito ang susunod na laban (Game 6).
Magaganap ang game 6 sa pagitan ng Knicks at Detroit sa May 2, habang itatakda pa lamang ang schedule ng magiging laban sa pagitan ng Boston kontra sa sinumang tuluyang mananalo sa pagitan ng Knicks at Pistons.