LAGOS, Nigeria – Patuloy pa rin ang isinasagawang search and rescue operation sa pagguho ng 21-storey building sa Lagos, Nigeria.
Ayon kay Lagos Governor Babajide Sanwo-Olu, sa ngayon ay pumalo na sa 42 ang bilang ng mga namatay habang 15 naman ang nakaligtas.
Ang high-rise building na matatagpuan sa Ikoyi district na isinasailalim sa construction ay bumigay noong Lunes.
Nitong Biyernes nang ibinalita ng mga otoridad na siyam ang mga survivors.
Ngayong weekend naman nang nadagdagan pa ang bilang ng mga survivors matapos makilala ang anim na iba pang nakaligtas sa insidente.
Una nang sinabi ni Sanwo-Olu na hindi nila alam ang eksaktong bilang ng mga nasa loob ng gusali nang maganap ang insidente pero mayroon umanong 49 na pamilya ang nag-report na nawawala ang kanilang kamag-anak.
“DNA examination was being undertaken on some of the bodies difficult to be identified,” ani Sanwo-Olu.
Nagbigay na rin daw ang kanilang pamahalaan ng tulong para sa pagpapalibing sa mga biktima.
Maliban dito, mayroon din umanong financial support ang kanilang ibibigay para naman sa mga survivors. (AFP)