-- Advertisements --

Pinalawig pa ng Bureau of Internal Revenue ang deadline nang filing at pagbabayad ng 2019 income tax returns (ITR) sa Mayo 30.

Ito ay matapos na lagdaan nina BIR Commissioner Caesar R. Dulay at Finance Secretary Carlos G. Dominguez ang Revenue Regulations 10-2020.

Nauna nang inilipat sa Mayo 15 ang deadline sa paghahain ng ITRs mula sa orihinal na schedule na April 15, upang bigyan nang sapat na panahon ang mga taxpayers na makapaghanda matapos na isinailalim ni Pangulong Rodrigo Duterte ang buong Luzon sa enhanced community quarantine dahil sa COVID-19 pandemic.

Sa isang virtual presser nitong umaga, sinabi ni Deputy Commissioner Arnel Guballa na inilipat nila sa Mayo 30 ang deadline ang filing ng ITRs at pagbabayad ng buwis kasunod na rin nang desisyon ng pamahalaan na palawigin pa ang Luzon-wide lockdown ng hanggang Abril 30.

Nakasaad naman aniya sa ilalim ng RR 10-2020 na sakaling mapalawig pa muli ang lockdown, magkakaroon ulit ng 30 days extension ang filing ng ITRs at pagbabayad ng buwis.

Sa kabila nang deadline extension, hinihimok pa rin ng BIR ang mga taxpayers na magbayad ng buwis at maghain ng kanilang ITRs ng maaga upang matulungan na rin ang pamahalaan na makalikom ng pondo sa laban kontra COVID-19.