-- Advertisements --

Naniniwala si Mamamayang Liberal Party List Representative Leila De Lima na wala ng katuturan kahit pa iapela ng kampo ni dating Pangulong Rodrigo Duterte ang pinakabagong ruling ng International Criminal Court (ICC) na nagpapatibay sa hurisdiksiyon nito sa crimes against humanity charges laban sa dating Pangulo.

Sa isang statement, pinuri ni De Lima bilang “most just” o pinaka-makatarungan ang naging desisyon ng ICC Pre-Trial chamber na tumututol sa paghamon ng depensa sa hurisdiksiyon nito sa kaso, na nagtatanggal aniya sa isa sa pangunahing balakid para sa ganap na paglilitis.

Inihayag din ng mambabatas na hayagang kritiko ng war on drugs ni Duterte, na kasunod ng desisyon ng kapulungan, mas malapit na aniya sila sa pagkamit ng hustisiya at pananagutan.

Naniniwala rin si De Lima na ibabasura rin ng Pre-Trial Chamber ang hakbang ng kampo ng dating Pangulo para suspendihin ang kaniyang trial dahil sa aniya’y bogus claim ng mental incapacity, matapos tutulan ang kaniyang hiling na interim release.

Umaasa rin ito na masisimulan na sa lalong madaling panahon ang paglilitis para maipresenta na ng dating Pangulo ang kaniyang depensa, kung saan makailang ulit na umano niyang sinasabi na kaniyang haharapin ng patas ang mga akusasyon laban sa kaniya.