-- Advertisements --

Pormal ng inirereklamo ni Mamamayang Liberal party-list Representative Leila de Lima ang ilang prosecutors ng Department of Justice kaugnay sa kinaharap nitong kaso may kinalaman sa ilegal na droga.

Inihain ngayong araw ng kanyang abogado na si Atty. Dino de Leon ang isang letter-complaint laban sa sampung (10) prosecutors dahil sa umano’y ‘grave misconduct’ at ‘gross ignorance of the law’.

Ayon kay Atty. Dino de Leon, hiling ni Congresswoman De Lima na mapaimbestigahan partikular sina Provincial Prosecutor Ramoncito Bienvenido Ocampo Jr, City Prosecutor Antonio Tuliao at iba pang mga kasama.

Naniniwala ang kanyang kampo na ang mga inirereklamong prosecutors ay sangkot sa umano’y naranasang ‘political persecution’ ng mambabatas.

“Ito yung formal complaint against the prosecutors involved in the political persecution of Leila de Lima for grave misconduct and gross ignorance of the law…,” ani Atty. Dino de Leon, legal counsel ni Rep. Leila de Lima.

“Yung sampu po na kasama duon sa panel of prosecutors na aming pinaniniwalaan na naging involved at nagpagamit, at hindi lamang nagpagamit kundi nanguna sa political persecution ni Leila de Lima,” dagdag pa ni Atty. Dino de Leon, legal counsel ni Rep. Leila de Lima.

Magugunitang binawi naman na ng panel of prosecutors ang kanilang ‘motion for reconsideration’ na layon sanang baliktarin ang ‘acquittal’ sa drug-related case ni Congresswoman Leila de Lima.

Ngunit nanindigan ang kanyang abogado na ang ginawang aksyon ng mga prosecutors ay hindi makapagpapabago sa naranasan at naging epekto nito sa mambabatas.

Iginiit pa ni Atty. Dino de Leon na hindi umano ligtas para sa mga Pilipino kung mananatili ang ganitong mga kilos ng prosecutors na ginagamit ang posisyon para sa umano’y political persecution.