-- Advertisements --

Kumpirmado ang pagsali nina dating Senadora Leila de Lima at human rights lawyer Chel Diokno sa prosecution team ng Kamara para sa nalalapit na impeachment trial laban kay Vice President Sara Duterte. Papalitan nila ang dalawang miyembro ng prosekusyon na natalo sa katatapos na halalan.

Si De Lima ay unang nominado ng Mamayang Liberal (ML) party-list, habang si Diokno ay mula sa Akbayan. Ayon sa partial at unofficial results, nangunguna ang Akbayan sa party-list race na may 2.8 milyong boto. Pasok naman sa top 63 ang ML, kaya’t posibleng makakuha rin ito ng isang upuan sa 20th Congress. Kapwa silang inaasahang manunumpa sa Hulyo.

Ayon kay House Speaker Martin Romualdez, na iniugnay ni Duterte sa pag-imbestiga sa kanyang confidential funds, ang pagsama nina De Lima at Diokno sa prosekusyon ay magdadala ng “credibilidad, balanse, at lalim” sa impeachment process.

Tinanggap nina De Lima at Diokno ang alok bilang bahagi ng kanilang adbokasiya para sa katotohanan, pananagutan, at hustisya.

Aniya, Ito ay tungkulin ng konsensiya. Hindi ito tungkol sa pulitika, kundi sa pagsunod sa ating Konstitusyon.

Dagdag ni Diokno, Bilang pangunahing tagapagtaguyod ng unang reklamo, buong suporta ang ibinibigay nito sa prosesong ito ng pananagutan.

Maaalang na-impeach si VP Duterte noong Pebrero dahil sa alegasyon ng graft, bribery, at betrayal of public trust. Ayon sa Kamara, 80% na ng ebidensyang ihaharap sa Senado ay nakahanda na.

Inaasahang magsisimula ang paglilitis sa Hunyo 30, kasabay ng panunumpa ng mga bagong halal na senador. Para mahatulan si Duterte, kailangan ng hindi bababa sa 16 na boto mula sa 24 na senador. Kung mapatunayang guilty, siya ay matatanggal sa puwesto at madi-disqualify sa anumang posisyong pampubliko — kabilang na ang umano’y layunin nitong tumakbo sa pagkapangulo sa susunod na halalan.