-- Advertisements --

Nanawagan si Senador Bam Aquino na tiyakin na may sapat na pondo para sa humigit-kumulang 2.27 milyong estudyante ng mga State Universities and Colleges (SUCs) sa 2026.

Hinimok niya ang Department of Budget and Management (DBM) at Commission on Higher Education (CHED) na makipagtulungan upang matiyak na ang enrollment projections sa SUCs ay akma sa pondo na nakalaan sa 2026 national budget at sa mga susunod na appropriations.

Ginawa ni Aquino ang pahayag sa budget hearing ng SUCs matapos ipabatid ng Philippine Association of State Universities and Colleges (PASUC) na inaasahang madaragdagan ng 300,000 ang kasalukuyang 1.97 milyong estudyante sa 2026.

Subalit, hindi tumutugma ang datos ng DBM sa pagtaya ng PASUC, na nagdudulot ng P3.29-bilyong kakulangan sa pondo.

Binigyang-diin niya ang kahalagahan ng pagtutugma ng enrollment projections at kaakibat na pondo para sa Free Higher Education (FHE) sa bawat SUC.

Ipinaalala rin niya na bukas ang Committee on Finance, na pinamumunuan ni Sen. Sherwin Gatchalian, na tugunan ang kakulangang ito.

Tiniyak ni Aquino na ibabalik ng komite ang P12.3-bilyong budget deficit at bibigyan ang SUCs ng sapat na pondo para sa capital outlay, maintenance and other operating expenses (MOOE), at personal services sa ilalim ng 2026 budget.