Inilabas na ng Department of Budget and Management (DBM) ang kabuuang P1.625 billion para sa replenishment ng Quick response funds (QRFs) ng mga ahensiya ng gobyerno.
Gagamitin ang P625 million para sa pagbili ng Family Food Packs at non-food items ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) para sa mahigit kalahating milyong pamilya na apektado ng mga kalamidad.
Samantala, ibibigay naman ang kabuuang P1 billion sa Department of Public Works and Highways (DPWH) para masaklaw ang ikalawang replenishment ng kanilang QRFs.
Ayon kay Budget Secretary Amenah Pangandaman, ang paglalabas ng mga pondo ay alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. para unahin ang kaligtasan at kapakanan ng mga Pilipino sa panahon ng kalamidad.
Inihayag ng kalihim na nauunawaan nila kung gaano kaimportante para sa mga ahensiya ang sapat na pondo para rumesponde at bigyang tulong ang mga nangangailangan, basta’t kumpleto ang mga dokumentong isinusumite ay agad aniya nilang aaksyunan.
Sa datos ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) nitong Biyernes, umaabot na sa 3.84 million indibidwal o 1.06 milyong pamilya ang naapektuhan ng mga mabibigat na pag-ulan at pagbaha na kumitil na ng 25 katao.