Umaasa ang Department of Budget and Management (DBM) na maipapasa na ng House of Representatives ang proposed 2021 national budget sa Biyernes, Oktubre 16 ngayong natapos na ang girian sa House speakership.
Sinabi ni Budget Sec. Wendel Avisado, ngayong naresolba na ang House leadership issue ay sana magtuloy-tuloy na ang pagpasa sa national budget dahil hindi kakayanin kung magkakaroon ng re-enacted budget sa gitna na ng kinakaharap na COVID-19 pandemic.
Ayon kay Sec. Avisado, mahihirapan ang gobyerno na makapagpatupad ng mga proyektong nakapaloob sa National Expenditure Program (NEP) at ang tanging magagawa ay magpasahod, pondohan ang maintenance and other operating expenses (MOOEs) pero hindi magawang makabili ng mga pangangailangan sa pagtugon sa pandemya at pagtatayo ng mga imprastruktura para sa pagbangon ng ekonomiya.
Kaya sila raw ay natutuwa dahil natapos na rin ang agawan sa speakership na maaaring makadiskaril sa pagpasa ng 2021 national budget.
“Ngayong naresolba ang House leadership issue ay tuloy tuloy lang po sana na sa Friday ay maipasa na sa Mababang Kapulungan ang national budget for 2021,” ani Sec. Avisado.