Humigit-kumulang 600 taxi at bus ang sinita ng Philippine National Police Highway Patrol Group (PNP-HPG) na mga nagnanais pa ring bumiyahe sa kahabaan ng EDSA.
Ito’y sa unang araw ng pag-iral na enhanced community quarantine at mass transportation ban dahil sa banta ng Coronavirus Disease 2019 o COVID-19.
Base sa pagtaya ni Col. Doromal ng HPG, naipon sa south bound at north bound lane ng EDSA ang daan-daang iba’t ibang uri ng mga sasakyan dahil sa kanilang pagharang sa mga ito.
Pero sa ngayon, bibigyan muna ng ticket ng HPG ang lahat ng mga taxi at bus na bumiyahe ngayong araw.
Mismong si Cruz ang nanguna sa operasyon sa kahabaan ng EDSA kanina kung saan marami ang na-hold at kinuha ang lisensiya ng mga drivers.
Ang hakbang ng PNP-HPG ay batay sa inilabas na direktiba ni PNP Chief Gen. Archie Francisco Gamboa.
Sa panayam kay Gamboa, ipinag-utos nito kay HPG director BGen. Eliseo Cruz na hulihin ang lahat ng mga sasakyan at bus na magpupumilit pa ring bumiyahe gayong may nauna pang deklarasyon na total lockdown.
Ayon sa PNP chief, kung kinakailangan i-impound ang mga sasakyan ay gagawin ito ng HPG.
Nais kasi ni Gamboa na ipakita sa publiko na talagang ipapatupad nila ang batas lalo na ang deklarasyon ni Pangulong Rodrigo na enhanced community quarantine.
Samantala, makikipag-ugnayan ang PNP-HPG sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board at Land Transportation Office hinggil sa isasampang paglabag ng mga driver.
Ayon kay Gamboa, may “calibrated response” ang pamahalaan sa mga public transport operators na lumalabag sa mga opisyal na kautusan.
Maaari aniyang masuspinde o tuluyang bawiin ang mga prangkisa ng mga operator na hindi susunod sa transportation ban.
Dagdag ni Gamboa, napakasimple lang naman ng kautusan na ‘wag lumabas pero marami pa rin ang pasaway.