-- Advertisements --

Inaasahang magsisimulang tumaas ang dami ng mga sasakyang daraan sa expressways mula nitong hapon hanggang mamayang gabi ng Biyernes, Disyembre 19, ayon sa Toll Regulatory Board (TRB).

Ito ay sa gitna ng inaasahang maagang pagbiyahe ng mga magsisiuwian mula Metro Manila patungo sa kani-kanilang mga probinsiya para sa nalalapit na holiday celebreation sa Pasko at Bagong Taon.

Base sa board, nasa pagitan ng 5% at 10% ang inaasahang pagtaas ng volume ng mga sasakyang daraan sa expressways.

Kaugnay nito, tiniyak ni TRB spokesperson Julius Corpuz na nakahanda ang toll concessionaires para i-accommodate ang inaasahang mabigat na volume ng mga sasakyan na lalabas ng Metro Manila.

Aniya, magpapatupad ng full deployment ang mga concessionaire ng security, patrol vehicles, traffic management personnel at incident response teams para pangasiwaan ang daloy ng trapiko gayundin ang emergencies.

Naka-standby din aniya ang technicians para matugunan ang anumang aberya na maaaring mangyari sa RFID lanes. Magpapakalat din ng karagdagang staff para hindi na humaba pa ang pila ng mga sasakyan at magiging mabilis ang serbisyo.

Sususpendihin rin ng toll concessionaires ang mga inaayos na kalsada upang hindi na makaragdag pa sa mabigay na daloy ng trapiko.