-- Advertisements --

Nagpakalat ang Department of Health (DOH) ng emergency response teams sa mga expressway para sa Undas ngayong taon.

Binubuo ang naturang response teams ng apat na doktor, apat din na nurses at iba pang emergency responders sa South Luzon Expressway (SLEX) para sa mga bibiyahe nitong weekend holiday.

Handang magbigay ang emergency response teams ng mga gamot at first aid, minor surgery, konsultasyon at diagnostics gaya ng glucose test at blood pressure monitoring.

Gayundin, mayroong nakaantabay na dalawang ambulansiya para sa agarang paglipat ng pasyenteng kailangang madala sa ospital.

Kaugnay nito, personal na binisita mismo ni Health Sec. Ted Herbosa ang mga nakalatag na emergency tents sa SLEX bilang parte ng paghahanda ng ahensiya sa pagdagsa ng mga pasaherong bibiyahe ngayong hapon, bisperas ng Undas, Oktubre 31.

Sa ngayon, nakataas ang Code White Alert sa lahat ng tanggapan ng Central Office at Centers for Health Development.