-- Advertisements --

Kinumirma ni Senador Robin Padilla na hindi siya tatakbo sa 2028 national elections, matapos ang mga ispekulasyon ukol sa kanyang posibleng muling pagtakbo sa Senado.

Ang pahayag ni Padilla ay bilang tugon sa isang social media post ni Jack Argota, isang vlogger at tagasuporta ni Vice President Sara Duterte, na nagpakita ng lineup ng mga personalidad na nais niyang suportahan kung magpapatuloy si Duterte sa pagtakbo bilang presidente sa 2028.

Kasama sa larawan sina Senador Francis “Chiz” Escudero, Senador Alan Peter Cayetano, Jimmy Bondoc, at iba pang mga politiko.

Sa comment section ng post, nagpasalamat si Padilla kay Argota ngunit humiling na alisin ang kanyang pangalan at larawan, nagpapahiwatig na hindi siya tatakbo sa 2028.

“Maraming salamat po. Pero wag niyo na po ako isama sa line up at hindi na po ako matakbo sa 2028. Mabuhay po,” mensahe ni Padilla.

Ang kanyang pahayag ay mabilis na kumalat online, na nagdulot ng iba’t ibang reaksyon mula sa mga netizens. Marami ang nag-udyok sa kanya na magbago ng desisyon at magpatuloy sa kanyang termino, o kaya’y magtakda ng mas mataas na posisyon sa gobyerno.

Ang desisyon ni Padilla ay alinsunod sa mga naunang pahayag na ginawa niya ngayong taon. Sa isang pahayag noong Abril sinabi ng senador na ang pagbibitiw sa politika sa 2028 ay bahagi ng kasunduan nila ng kanyang asawa na si Mariel Rodriguez-Padilla upang maglaan ng mas maraming oras para sa kanilang pamilya.

Ayon kasi kay Padilla, ang kanyang trabaho sa Senado ay kumakain ng 95% ng kanyang oras, isang bagay na ikinabahala ng kanyang pamilya.