-- Advertisements --
janette garin
Rep. Janette Garin

Inalmahan ni dating Health secretary at kasalukuyang Iloilo First District Rep. Janette Garin ang hakbang ng Office of the Ombudsman na tuluyan silang kasuhan ng graft at technical malversation dahil sa dengue mass vaccination program.

Matatandaang maliban kay Garin ay pinakakasuhan din ang apat na iba pang dati at kasalukuyang opisyal ng Department of Health (DoH).

Nabatid na naglaan ang gobyerno ng P3.5-billion para sa nasabing pagbabakuna na kalaunan ay ipinatigil dahil sa reklamo ng ilang kontra sa Dengvaxia vaccine.

Inabswelto naman sa demanda sina dating Pangulong Benigno “Noynoy” Aquino III at dating Budget Sec. Florencio “Butch” Abad.

Ayon kay Garin sa exclusive interview ng Bombo Radyo, hindi nila batid na may ganung kaso na nakahain laban sa kanila sa Office of the Ombudsman.

Dahil dito, aapela umano ang kampo ni Garin dahil nalabag ang kanilang karapatan para sa due process nang hindi sa kanila ipabatid ang kaso kaya hindi nila naipagtanggol ang kanilang sarili.

Muli naman nitong pinanindigan ang bisa ng ginamit na bakuna dahil ang World Health Organization (WHO) mismo ang kumilala rito kaya walang pag-aaksaya ng pondo sa naturang proyekto.

Naniniwala si Garin na ang mga kontra sa bakuna lamang ang nasa likod nito at hindi naikonsidera ang masasabi ng mga tunay na eksperto sa nabanggit na usapin.