-- Advertisements --

loops: Ex-Palawan governor Mario Joel Reyes, Sandiganbayan

Hinatulang guilty ng Sandiganbayan ang dating gobernador ng Palawan na si Mario Joel Reyes at kaniyang provincial planning and development coordinator na si Samuel Madamba II ng 11 bilang ng kasong graft dahil sa maling paggmit ng nasa P1.53 bilyong halaga sa royalties mula sa Malampaya gas field noong 2009.

Sa 625 pahinang desisyon, sinentensiyahan ng anti-graft court sina Reyes at Madamba ng anim hanggang sampung taong pagkakakulong sa bawat bilang ng kasong graft o kabuuang 66 na taon sa kulungan.

Nag-ugat ang kaso ng dating gobernador matapos gastusin umano ni Reyes ang naturang bilyung halaga ng royalties mula sa Malampaya gas field sa iba’t ibang mga proyekto gaya ng pagpapatayo ng mga gusali ng paaralan, ang San Vicente Airport Development project, pagpapagawa ng mga kalsada, solar home system at day care center.

Bagamat naglagak ng piyansa sa naturang mga kaso si Reyes, sinabi ng korte na nabigo ang dating gobernador na humarap o magpresenta ng anumang ebidensiya para tutulan ang ebidensiyang iprinisenta ng prosekusyon.

Base sa documentary evidence na iprinisenta sa korte, kabilang ang mga kontrata na in-award sa parehong kontraktor para sa magkakasangay na proyekto at ang report ng Commission on Audit, nagpasya ang Sandiganbayan na mayroong malinaw na paglabag sa contractual obligations.

Sinabi din ng anti-graft court na nabigo ang mga kontraktor na i-update o isumite ang nirebisang mga listahan ng mga key personnel para sa overlapping projects.