DAVAO CITY – Binaril-patay ang dating Brgy. Captain ng Brgy. Communal, Buhangin District, Davao City na si Arnold Maalat sa Diversion road na kaharap ng New Buhangin Gallera Sports complex bandang alas 3:00 ng hapon ngayong araw.

Ayon kay Jolito Cayunda, handler ng mga manok ni Maalat, palabas na sana ang biktima sa nasabing sabungan ng bigla na lamang itong humandusay.

Hindi naman nito nakita kung sino ang gumawa ng krimen ngunit patuloy naman ngayon na tinutukoy ng Buhangin police ang hindi pa nakikilang suspek.

Dagdag pa ni Cayunda, bilang handler at body guard ng biktima ay wala siyang alam na may mga banta sa buhay ng kaniyang amo.

Napag-alaman na noong November 2017, nahuli ng mga otoridad si Maalat sa isinigawang drug buy-bust operation ngunit kalaunan ay nakapagpiyansa ito at nakalaya.