-- Advertisements --

KALIBO, Aklan – Nahaharap sa kasong murder ang isang balut vendor matapos pagtatagain ang kapwa nito vendor dakong alas-10:35 nitong Biyernes ng gabi sa Sitio Hagdan, Barangay Yapak, sa isla ng Boracay.

Ayon kay P/Maj. Don Dicksie de Dios, officer-in-charge ng Malay Municipal Police Station, patay na nang madala sa pagamutan ang biktimang si Janito Descalzo, 56, tubong Dao, Capiz sanhi ng tinamong malalim na taga sa leeg at iba pang bahagi ng katawan.

Samantala, agad na naaresto ang suspek na kinilalang si Romeo Tibangin, 74, tubong Pangasinan, kapwa pansamantalang nakatira sa nasabing lugar.

Sinasabing nag-away ang dalawa dahil sa presyuhan ng balut, kung saan mas mura umano ang paninda ng biktima na ikinagalit ng suspek.

Batay sa kuha ng CCTV footage, pinagtataga ng suspek ang biktima habang nakatalikod at nakaupo sa nakaparadang motorsiklo.

Dagdag pa ni De Dios, narekober nila ang itak na ginamit sa krimen na mistulang bagong hasa pa.