-- Advertisements --

KALIBO, Aklan —Inaprubahan ng provincial board ng Aklan ang isang resolusyon na kumokondena sa Department of Public Works and Highways (DPWH) dahil sa paggawad nito ng kontrata para sa kontrobersyal na Boracay Bridge Project sa San Miguel Holdings Corporation.

Kinondena ng resolusyon na inakda ni Board Member Reynaldo Quimpo ang pag-apruba sa naturang unsolicited proposal sa kabila ng hayagang pagtutol ng Sangguniang Panlalawigan ng Aklan, Sangguniang Bayan ng Malay, at iba’t ibang grupo sa lalawigan.

Nilinaw ni SP member Apolenar Cleope na ang resolusyon ay sumasalamin sa tinig ng mamamayan ng Aklan.

Ikinagulat umano nila ang ipinalabas na Notice of Award ng DPWH para sa naturang proyekto na nagkakahalaga ng P7.78 bilyon at may habang 2.54 kilometro, na magdurugtong sa Barangay Manoc-Manoc sa Isla ng Boracay at sa mainland sa Caticlan, Malay makaraang aprubahan ng Public-Private Partnership (PPP) Governing Board.

Iginawad umano ang proyekto na walang kaukulang public consultation at pag-endorso ng lokal na pamahalaan, na labag sa mga probisyon ng Local Government Code.

Dagdag pa nga maaaring masira ng konstruksyon ang mga coral reef, seagrass beds, at ang tanyag sa buong mundo na puti at pinong buhangin ng Boracay, na magpapawalang-bisa sa mga naging tagumpay ng rehabilitasyon noong 2018.

Maliban dito, tinatayang nasa 3,000 pamilya, kabilang ang mga bangkero, manggagawa sa pantalan, at maliliit na negosyante, ang maaaring mawalan ng kabuhayan.

Mawawalan din ng milyun-milyong taunang kita ang lokal na pamahalaan mula sa port fees .

Pinangangambahan rin na mababaligtad ang identity ng Boracay bilang isang eksklusibong destinasyong isla, at inaasahang magdudulot ito ng pagsisikip ng trapiko, polusyon, at problema sa basura.