KALIBO, Aklan — Lalo pang nagpa sigla ng turismo sa Isla ng Boracay ang pagdaong ng international cruise ship na M/S Adora Mediterranean mula Xiamen, China noong Sabado de Gloria.
Lulan ng naturang barko ang nasa 2,200 turista at 900 na tripulante, kung saan, ito ang kanilang kauna-unahang paglalayag sa Boracay.
Sa pagdating ng barko, mainit na sinalubong ang mga pasahero at tripulante ng mga lokal na mananayaw ng Ati-Atihan.
Halos lahat umano ng mga pasahero ay nilibot ang mga magagandang pasyalan sa isla.
Ayon kay Mr. Nieven Maquirang, cruise ship operations in charge sa Aklan na ang pagdating ng iba’t-ibang cruise ships sa isla ay patunay ng patuloy na pagsigla ng turismo.
Nabatid na ngayong 2026, nasa 14 ang cruise calls sa Boracay.
Sa kabilang daku, iniulat ni Ensign Jemedy Recto, Deputy Station Commander ng Philippine Coast Guard (PCG) Aklan na wala silang anumang maritime incidents o mga hindi inaasahang pangyayari na naitala sa mga pantalan ng Aklan lalo na sa Caticlan jetty port nitong Mahal na Araw.
Aniya, sa kabila ng pagdagsa ng libu-libong mga pasahero at turista papuntang Boracay gayundin ang pagdaong it isang international cruise ship, napanatili ang seguridad dahil sa full alert status at mahigpit na inspeksyon na kanilang ginawa.
















