-- Advertisements --

KORONADAL CITY – Personal na dumulog sa himpilan ng Bombo Radyo Koronadal upang humingi ng tulong ang pamilya ng isang OFW sa Saudi na hindi pinayagan na makauwi ng kanyang employer kahit may malubha itong karamdaman dahil sa tumataas na kaso ng coronavirus sa buong mundo.

Kinilala ang OFW na si Pinky Alborote, na residente ng Brgy. Dajay, Surallah, South Cotabato at kasalukuyang nasa Tabuk, Saudi Arabia.

Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Koronadal kay Jerson Alborote, asawa ng OFW, may malubhang karamdaman sa ngayon ang kanyang asawa dahil sa umiihi na ito ng dugo.

Matagal na umanong nagpaalam sa kanyang employer ang kanyang asawa na umuwi sa bansa ngunit hindi siya pinayagan.

Mas lalo umano siyang pinigilan ngayon na patuloy ang pagtaas ng numero ng kaso ng COVID-19 hindi lamang sa Saudi kundi sa buong mundo.

Ginawa na umano ng kanyang asawa na magmakaawa sa employer nito ngunit para umanong walang awa ang mga ito.

Sa ngayon, nananawagan sa gobyerno si Jerson na tulungang makauwi ang asawa dahil natatakot ito na hindi lamang ang sakit nito ang lalala kundi maging ang depresyon.