CEBU CITY – Nangamba ang ilan sa mga residente ng Sitio Apro, Brgy. Ibo, siyudad ng Lapu-Lapu, Cebu matapos anurin ng storm surge ang bahay nito sa kasagsagan ng pananalasa ng Bagyong Vicky.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cebu sa isa mga residente na si ” Jeffrey” ng nasabing lugar, sinabi nito na sobrang lakas ng alon sa dagat kahit hindi naman kalasakan ang hangin.
Inilarawan nito na mas malakas ang alon sa dagat na dala ng Bagyong Vicky kung ikukumpara sa Bagyong Yolanda noong 2013 kung saan nasira ang mga light materials na mga bahay.
Tulad din ng iba pang mga residente, nagising na lamang si Jeffrey na sobrang lakas na ng alon na ikinabahala nito.
Sa loob ng 16 taon ng paninirahan ni Jeffrey sa Sitio Apro na isang coastal area, ngayon lang niya naranasan ang storm surge na mas mataas pa sa kanilang bahay.
Kasalukuyang nasa Ibo Elementary School ito kasama ang daan-daang pang mga apektadong indibidwal.
Namigay naman ng tulong ang Lapu-Lapu City Government gaya ng food and non-food packs, COVID-19 essentials at iba pa.
Umabot sa 76 na mga bahay ang nasira noong Sabado bunsod ng storm surge na dala ng naturang bagyo.