-- Advertisements --

Magpapadala ang Timor Leste ng 120-man team para sa rehabilitation efforts sa mga sinalantang lugar sa Pilipinas kasunod ng malawak na pinsalang iniwan ng nagdaang bagyong Tino.

Ayon sa Department of Foreign Affairs (DFA) sa isang statement, malugod nilang tinatanggap ang anunsiyong ito ng Timor Leste, ang pinakabagong miyembro ng Association of Southeast Asian Nation (ASEAN).

Kabilang sa ipapadala ng Timor Leste ang mga engineer at firefighters para umasiste sa paglilinis at rehabilitasyon sa mga apektadong lugar.

Nagpahayag din ang DFA ng taus-pusong pasasalamat sa mga nag-alok at nag-commit ng humanitarian assistance mula sa international community para sa relief at recovery operations matapos ang iniwang malawak na pinsala ng bagyo sa Cebu at iba pang parte ng gitnang bahagi ng bansa.

Lubos ding naantig ang ahensiya sa maraming mga mensahe ng pakikisimpatiya at pakikiisa na kanilang natanggap mula sa international partners ng Pilipinas.

Una na ngang nagpahayag ng kahandaan ang US at iba pang gobyerno mula sa Canada, Australia at Japan para tumulong sa recovery efforts ng ating bansa gayundin nagpaabot ng pakikiramay ang Sweden at Russia sa mga pamilya ng mga biktima ng mapaminsalang bagyo.