-- Advertisements --

Tinatayang aabot sa 742,000 ektaryang lupain ang posibleng maapektuhan ng Bagyong Crising batay sa mga pinagsamang datos ng mga regional offices ng Department of Agriculture (DA).

Ayon kay Agriculture Assistant Secreatary for Special Concerns and Official Development Assistance (ODA) at Spokesperson Engr. Arnel De Mesa, mula aniya sa inisyal na analysis ng mga regional offices karamihan sa mga lupain na ito ay mga palaya na nasa vegitative states at siyang katumbas ng halos 90% ng mga lupain habang ang natitirang 10% naman ay mga nasa early reproductive states.

Kabilang naman sa mga lupain na maaring maapektuhan ng Crising ay mula sa rehiyon ng Cordillera Administrative Region (CAR), Ilocos Region, Cagayan Valley, Central Luzon, CALABARZON, MIMAROPA, Bicol at ilang bahagi ng Western Visayas.

Bagamat malaki-laki ang inaasahang danyos na maiiwan ng pagdaan ni Bagyong Crising bunsod ng radius nito, ay nanindigan naman si De Mesa na posibleng hindi 100% na maapektuhan ang buong 742,000 hectares na ito.

Kasunod nito ay nagbigay naman ng abiso ang tagapagsalita ng departamento sa mga magsasaka na dapat na agad silang tumalima sa mga matatanggap na abiso mula sa pamahalaan dahil prayoridad pa rin ang kaligtasan ng mga lokal na magsasaka at maski mga mangingisda.

Kinakailangan din aniya na rehistrado ang mga palayan ng mga magsasaka para kung sakali na maapektuhan ang kanilang mga lupain ng bagyo ay mabilis ang magiging recovery lalo na kung nasa vegitative state ang kanilang mga palayan.

Tiniyak naman ni De Mesa na kasalukuyan nang naka-standby ang kanilang mga regional field offices katuwang ang lokal na pamahalaan para naman sa pagpreposition ng mga binhi, pataba at iba pang materyales kung sakali man na maapektuhan nang malubha ang mga sakahan at pangisdaan.

Samantala, umaasa naman si De Mesa at ang mismong departamento na mula sa kabuuang lupain na maaaring makaranas ng malubhang danyos ay hindi maging gaano kalaki ang mararanasang epekto ng Bagyong Crising nang hindi rin maapektuhan ng malala ang mga presyo ng bigas sa mga pamilihan.