-- Advertisements --

Asahan na sa mga susunod na araw na magkakaroon ng pagkakataon ang mga Masbateño na makabili ng Benteng Bigas, na kilala rin bilang P20 rice, at iba pang mga produktong agrikultural sa pamamagitan ng pagbubukas ng Kadiwa stores sa ilang piling lugar sa buong Masbate.

Ayon sa Department of Agriculture (DA) Bicol bawat indibidwal na mamimili ay papayagang bumili ng hanggang sampung kilong bigas sa Kadiwa stores.

Kinakailangan lamang na magpakita ng kahit anong government-issued ID bilang patunay ng kanilang pagkakakilanlan upang makabili ng nasabing produkto.

Ito ay upang matiyak na mas maraming mamamayan ang makikinabang sa programang ito at maiwasan ang hoarding.

Kasabay ng paghahanda para sa Kadiwa stores, patuloy rin ang isinasagawang Bantay Presyo monitoring ng Department of Agriculture sa buong probinsya ng Masbate.

Ito ay dahil sa kasalukuyang idineklara ang Masbate sa ilalim ng State of Emergency matapos itong maapektuhan ng bagyong Opong.

Bago pa man ang pagbubukas ng Kadiwa, nagpadala na rin ng tulong si DA Bicol Regional Executive Director Rodel P. Tornilla sa mga empleyado ng ahensya sa Masbate noong Linggo, ika-28 ng Setyembre.

Bukod pa rito, ang DA-Bicol Agribusiness and Marketing Assistance Division ay aktibong nakikipag-ugnayan sa iba’t ibang Farmers’ Cooperatives and Associations sa mga lalawigan ng Albay, Camarines Sur, at Sorsogon.