Siniguro ni Department of Agriculture (DA) Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. na may sapat na pagkain sa Pilipinas sa kabila ng epekto ng sunod-sunod na sama ng panahon sa sektor ng pagsasaka.
Ayon kay Sec. Laurel, sapat ang supply ng pagkain sa mga merkado, at bawat industriya ay gumagawa ng akmang paraan upang mapanatili ang buffer stock.
Bagamat may mga pagkakataong nagkakaroon ng kakulangan sa ilang supply, tiniyak ng kalihim na pansamantala lamang ang mga ito at kalimitang dulot ng logistics/transportation problem.
Ginawa ng kalihim ang pahayag kasunod na rin ng bilyun-bilyong halaga ng pinsalang iniwan ng mga bagyo at iba pang uri ng kalamidad sa sektor ng pagsasaka.
Lumalabas kasi sa datus ng DA-Disaster Risk Reduction and Management (DRRM) Operations Center na umabot sa P23 billion ang halaga ng agricultural damage dahil sa pinagsamang epekto ng El Niño phenomenon, shearline, northeast monsoon, Bagyong Aghon, Super Typhoon Carina, at southwest monsoon.
Sa pananalasa ng bagyong Ferdie, Gener, at Helen ngayong Setyembre, naitala na ng DA ang mahigit P100 million na halaga ng pinsala.