Pinalalakas ng Department of Agriculture (DA) ang kanilang paghahanda sa posibleng epekto ng El Niño phenomenon sa sektor ng agrikultura, kasabay ng babala na maaaring makaranas ang bansa ng matinding init, kakulangan sa ulan, at tagtuyot sa mga susunod na buwan.
Ayon kay Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr., tuloy-tuloy ang kanilang irigasyon upang matulungan ang mga magsasaka na mapanatili ang kanilang produksyon.
Sinabi rin ng DA na pinalalawak na nito ang mga cold storage facility upang maayos na maimbak ang mga ani, mabawasan ang post-harvest losses, at hindi gaanong umasa ang bansa sa pag-aangkat ng mga produktong agrikultural.
Naglaan na rin ang pamahalaan ng financial assistance para sa mga magsasakang maaapektuhan ng El Niño.
Umaasa ang Pilipinas sa lokal na produksyon ng pagkain, kapag bumababa ang ani dahil sa paminsanang mga pag-ulan, maaari itong magdulot ng pagtaas ng presyo ng mga bilihin at pagtaas ng pangangailangan sa imported na produkto.
Nauna nang naglabas ang DA ng El Niño Alert batay sa mga projection ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA).
Ayon sa ahensya, may 79 porsiyentong posibilidad na maranasan ng bansa ang epekto ng El Niño na inaasahang magsisimula sa Hunyo, tatagal hanggang Agosto 2026, at posibleng umabot hanggang sa unang bahagi ng 2027.
Dahil dito, inaasahang mararanasan ang matinding init, kakulangan sa pag-ulan, at tagtuyot na maaaring magdulot ng malaking pinsala sa sektor ng agrikultura.
Kaugnay nito, muling nanawagan ang DA sa publiko na magtipid sa paggamit ng tubig upang matiyak ang sapat na suplay sakaling lumala ang epekto ng El Niño sa mga darating na buwan.
















