Nanawagan si Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel, Jr. sa lahat ng mga magsasaka sa buong bansa, sa mga lokal na pamahalaan sa bawat rehiyon, at maging sa bawat ordinaryong mamamayan na makilahok at tumulong sa pagbabantay at pagmomonitor sa mga ginagawang farm-to-market roads o FMR sa iba’t ibang panig ng bansa.
Ito ay upang matiyak na maayos at tapat ang pagkakagawa ng mga imprastrakturang ito na makatutulong sa pag-unlad ng agrikultura.
Sa kasalukuyan, puspusan na ang paghahanda ng Department of Agriculture o DA para sa nalalapit na paglulunsad ng isang espesyal na platform na tatawaging “FMR Watch”.
Nilalayon ng inisyatibang ito na magbigay kapangyarihan sa publiko na maging bahagi ng pagsubaybay sa mga proyekto ng farm-to-market roads.
Sa pamamagitan ng “FMR Watch” platform na ito, maaaring mag-upload ang sinuman mula sa publiko ng mga larawan na nagpapakita ng kasalukuyang estado ng konstruksyon, magsumite ng mga report tungkol sa progreso ng proyekto, at magbigay ng babala o mag-ulat ng anumang isyu o problema na kanilang nakikita mismo sa mga construction sites.
Binigyang-diin ni Secretary Tiu Laurel ang kahalagahan ng malawak na partisipasyon ng publiko sa pagmomonitor ng mga FMR.
















