Nakikipag-ugnayan na ngayon ang Department of Agriculture (DA) sa mga bagong halal na Local Government Units (LGUs) lalo na duon sa mga hindi pro-admin na nanalong kandidato kaugnay sa P20 kilo rice program ng pamahalaan.
Ayon kay Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel, layon ng kanilang pakikipag-ugnayan para maipagpatuloy pag rollout sa P20 kilo na bigas.
Aminado ang Kalihim na sila ay nangangamba dahil hindi nila tiyak kung ipagpapatuloy ng mga bagong halal na mga kandidato lalo na ang mga hindi kaalyado ng administrasyon.
Partikular na tinukoy ni Laurel ang Cebu dahil hindi nila tiyak kung nais ng bagong gobernador na ipatupad ang P20 kilo rice program ng pamahalaan.
Gayunpaman pagtiyak ni Sec. Laurel na sila naman sa Department of Agriculture ay hindi namimili dahil ang mahalaga matulungan ang ating mga kababayan na nasa laylayan na maibsan ang kanilang hirap.
Ito rin ang naging direktiba ni Pang. Ferdinand Marcos Jr na mabigyan ang mga lugar na lubos na nangangailangan.
Pagtiyak naman ni Laurel na sapat ang suplay ng bigas para sa nasabing programa.