-- Advertisements --

Aabot sa P27.1 billion ang kakailanganin na pera ng Department of Agriculture (DA) para sa kanilang mga programa kontra African swine fever at sa pagpaparami ulit ng bilang ng baboy sa bansa sa loob ng tatlong taon.

Sa joint hearing ng House Committees on Agriculture and Food at Trade and Industry, sinabi ng DA Usec. Willie Medrano na gagamitin ang P27.1 billion mula 2021 hanggang 2023.

Sa ilalim ng 2021 General Appropriations Act (GAA), sinabi ni Medrano na P2.6 billion ang alokasyon para sa calibrated repopulation at intensified production, swine breeder multiplier farms, insurance premium, at biosecurity at surveillance program.

Subalit kulang aniya ang halagang ito at kailangan nila ng P4.297 billion bilang karagdagang pondo.

Para sa taong 2022, sinabi ni Medrano na P11.340 billion ang kakailanganin nilang pondo, at P9.390 billion naman para sa 2023.

Ayon kay Medrano, target ng DA na pagsapit ng 2023 ay magkaroon ng 10.5 million finishers mula sa 115,800 farmer beneficiaries ng kanilang mga programa.

Hangad nilang matanggal sa quarantine ang 90 percent ng 2,100 ASF-affected barangays gamit ang kanilang sentinel approach, at mapalakas din ang production at protection ng mga ikinukonsiderang Green Zones.

Bukod dito, layon din aniya nilang umabot sa 15.6 million finishers ang masasakop ng insurance mula 2021 hanggang 2023.