-- Advertisements --

Iniurong ng Department of Agriculture (DA) ang paglulunsad ng P20/kilo na bigas sa ilalim ng ‘Benteng Bigas Mayroon (BBM) na’ pogram sa National Capital Region (NCR) sa Mayo 13 na siyang petsa pagkatapos ng halalan.

Ayon kay Assistant Secretary for Agribussiness, Marketing and Consumer Affairs Atty. Genevieve Velicaria-Guevarra, alinsunod sa naging mga direktiba ni Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. at maging mga pahayag ni Commission on Elections (Comelec) Chairman Aty. George Erwin Garcia kaya naman minarapat na muna ng kanilang departamento na isagawa ang implementasyon ng programa pagktapos ng mismong araw ng halalan.

Aniya, nakatakda kasing ilunsad ang programa sa piling mga Kadiwa stores nitong Mayo 2 matapos na mailunsad ito sa Cebu noong Mayo 1.

Paliwanag pa ng opisyal, mayroon nang naunang programa na kasalukuyan na ibinebenta ngayon sa publiko na P29 rice kung saan balak lamang sana aniya ng kanilang ahensya na i-convert sa P20 rice ang mga naturang bigas.

Ngunit dahil nga sa mga iminungkahi ng Comelec na dahil sa umiiral na ayuda ban sampung araw bago ang halalan ngayong taon ay minabuti na ipagpaliban muna ang implementasyon ng programa.

Aniya, naging suhestiyon ng Comelec na iurong ang petsa ng paglulunsad ng P20 rice sa publiko upang maiwasan ang maaaring pamumulitika gamit ang mga naturang programa at maiwasan rin ang mga pahayag na ang naging pagbubukas ng programa ay dahil lamang sa election season.

Samantala, kinumpirma naman ni Guevarra na magsisimula sa sususnod na Martes ang pagbebenta ng P20 rice sa mga piling Kadiwa Stores partikular na sa mga lugar ng Kamuning public Market, Mandaluyong Public Market I at II, Bagong Silang Phase 9 Public Market, Pasay City Public Market, Navotas Agora Complex, at maging sa New Las Pinas Public Market.

Nauna na dito ay inilunsad na ang programa sa Cebu at pansamantala ring itinigil muna ang bentahan bunsod pa rin ng election ban.

Tiniyak naman ng departamento na manunumbalik ang pagbebenta ng naturang bigas sa Cebu kasabay ng implementasyon ng nito sa NCR.