CAGAYAN DE ORO CITY – Binigyang pagkilala ng pinakaunang pagkakataon ng grupong EcoWaste Coalition ang collector ng Bureau of Customs Cagayan de Oro na si John Simon via virtual awarding ceremony.
Ito ay bilang pagkilala ng grupo sa mabilis na pag-aksyon ni Simon na mapaalis ang mga basura ng kompanyang Verde Soko Philippines na galing South Korea na itinambak sa Sitio Bugwak,Barangay Sta Cruz,Tagoloan,Misamis Oriental sa loob lamang dalawang taon.
Sa panayam ng Bombo Radyo,inihayag ni EcoWaste Coalition national coordinator Aileen Lucero na ang pagbigay nila ng pinakaunang Environmental Justice Award kay Simon ay bilang pagpugay at pagpasalamat nila dahil sa loob lamang ng dalawang taon ay napalayas ang nasa 7,408 metric tons ng illegal waste shipments na sunod-sunod dumating sakay ng magkaibang barko noong Enero 2019 hangang tuluyang napalayas pagsapit ng Setyembre 2020.
Inihayag ni Lucero na hudyat rin ito upang hikayatin ng grupo ang ibang government institutions na matutong manindigan at lumaban kapag may mga grupo na mananamantala at sisira ng kalikasa para sa pansiriling interes.
Sinabi ni Lucero na ang paggawad rin nang pagkilala ay itinaon rin habang ini-obserba ang ‘Zero Waste Month’ mismo ng buwang Enero kada-taon.
Magugunitang makailang beses rin na tumungo ang grupo ni Lucero mismo sa Mindanao Container Terminal kung saan dumaong ang mga barko na unang nagkarga ng mga basura maging mismong dump site para i-dokumento at basehan na kalampagin ang South Korean govt na kunin agad ang mga basura na ipinalusot ng Verde Soko.
Napag-alaman na tinutukan ito ng husto ng Bombo Radyo mula sa local investigation,Congressional inquiries,pagdating ng South Korean officials sa Misamis Oriental at hanggang sa huling re-exportation ng natitirang basura kahit nasa kasagsagan ng pandemya dala ng coronavirus disease noong Setyembre 2020.