-- Advertisements --

Ni-repaso ng Civil Service Commission (CSC) ang qualification standards para payagang makapagtrabaho sa gobyerno ang mga nagtapos ng high school kabilang ang mga nakakumpleto ng Junior High School at Senior High School sa ilalim ng K-12 program.

Ito ay sa bisa ng CSC Resoluton No. 2500229 na iprinoklama noong Marso 6.

Sa isang statement ngayong Huwebes, Mayo 8, ipinaliwanag ng komisyon na nirebisa ng resolution ang educational requirements para sa entry-level government jobs para mag-reflect sa ginawang reporma sa ilalim ng K-12 Basic Education Program na ipinatupad sa buong bansa noong 2012.

Kabilang sa mga mahahalagang pagbabago sa educational requirements ay ang mga sumusunod:

Ang mga posisyon na dating minamandato ay high school graduate ay maaari ng tumanggap ngayon ng high school graduate bago ang 2016 o ang mga nakakumpleto ng Grade 10 o Junior High School na nagtapos simula noong 2016.

Gayundin ang mga posisyong nangangailangan ng high school graduate o nakakumpleto ng relevant vocational o trade course ay kinikilala na ang high school graduates bago ang 2016, ang mga Grade 10 graduates simula noong 2016 o mga indibidwal na nakakumpleto ng relevant vocational o trade course.

Para sa mga posisyong nangangailangan ng mga graduate ng 2-years sa kolehiyo, tinatanggap na ang mga nakakumpleto na ng dalawang taon sa kolehiyo bago ang 2018 o Grade 12/Senior High School simula noong 2016.

Para sa mga posisyon na kailangang nakapagtapos ng dalawang taon sa kolehiyo o high school graduate na may relevant vocational o trade course, kinikilala na sa revised standards ang mga aplikante na nagtapos ng dalawang taon sa kolehiyo bago ang 2018, high school graduates na may relevant vocational o trade courses bago ang 2018, Grade 12 graduates sa ilalim ng Technical-Vocational-Livelihood track o Grade 10 graduates na may relevant vocational o trade courses simula noong 2018.

Samantala, hindi naman kasama sa revised educational standards ang mga posisyong nagmamandato ng partikular na higher education degrees o practice of professions na pinamamahalaan ng board regulations.

Binigyang diin din ng CSC na ang mga aplikante ay dapat na pasok sa iba pang kwalipikasyon sa bawat posisyon gaya ng mga pagsasanay, karanasan at eligibility.