CEBU CITY — Hiling ngayon ng pamilya ni Cebu Governor Gwendolyn Garcia na pananagutin ng pamunuan at ilang mga doktor ng isang pribadong pagamutan ang pagkamatay ng dalawa nitong mga kapatid.
Ito’y matapos na naghain ng kasong kriminal ang gobernadora sa Cebu City Prosecutor’s Office laban sa dalawang mga doktor mula sa Chong Hua Hospital dahil sa diumanoy “medical negligence” na nagdulot ng pagpanaw nina Barili Mayor Marlon Garcia at dating Dumanjug Mayor Nelson Garcia.
Una nang sinuspetsa ng gobernadora ang pinaniwalaang pananamantala ng mga doktor sa naging kondisyon ng dalawa upang ma-maximize umano ang kita ng pagamutan.
Ayon kay Garcia na ang kanyang nagawang hakbang ay magiging leksyon sa iba pang mga pagamutan upang hindi mangyari ang sinapit ng dalawang alkalde.
Hindi papayag, aniya, ng gobernadora na may ibang indibidwal ang makakaranas ng ganitong akusasyon dahil lang sa pagpapabaya o pagpapalaki ng kita.
Dumepensa naman ang nasabing pagamutan, sa inilabas nilang statement, ginagawa ng mga doktor ang lahat nang naaayon sa kanilang international standards.