Pasado na sa ikatlo at pinal na pagbasa sa Senado ang Senate Bill 2057 o Covid Vaccination Program Bill.
Ayon kay Senate President Vicente “Tito” Sotto III, 22 ang miyembro ng kapulungan na pumabor sa bill, walang kontra at wala ring abstain.
Layunin ng panukalang ito na matiyak ang maayos na pagbili, distribusyon, pagbabakuna at pag-monitor sa mga mabibigyan ng COVID vaccine.
Naniniwala ang mga senador na dahil sa pagkakapasa ng panukala, mas bibilis na rin ang procurement process para masimulan na ang pagtuturok sa mga nasa priority list.
Una rito, naging mabusisi ang pag-amyenda ng mga senador sa bawat linya ng panukala.
Huling nagbigay ng mungkahi si Senate President Pro-Tempore Ralph Recto para sa mismong pangalan ng bill, makaraan ang ilang pagbabago na kaniyang isinulong.
Nagpasalamat naman si Senate committee on finance at sponsor ng bill na si Sen. Sonny Angara sa mga ambag ng mga kasamahan, para sa bawat amyendang ginawa sa ikaaayos ng panukala.