Kinumpirma ni National Task Force against COVID-19 chief implementer at vaccine czar Carlito Galvez Jr. na sinertipikahang urgent na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang dalawang panukalang batas na layuning magtatag ng indemnity fund, gayundin ang pagpapabilis sa pagbili ng mga bakuna laban sa COVID-19.

-- Advertisement --

Sinabi ni Sec. Galvez, ang mga nasabing panukalang batas ay ang Senate Bill No. 2057 at House Bill No. 8648.

“Pinirmahan na po ng ating mahal na Pangulo ang pagsertipika ng panukalang batas as urgent. Nag-usap po kami kanina, kasama po si Senator Bong Go, at magandang balita po na talagang napirmahan niya na po ‘yung mga Senate bill na makakatulong po sa atin,” ani Sec. Galvez.

Layunin ng Senate Bill 2057 na pabilisin ang pagbili at rollout ng COVID-19 vaccines at P500-million indemnification fund habang ang House Bill 8648 ay naglalayong bigyang otorisasyon ang mga local government units (LGUs) na magbigay ng advance payments para sa COVID-19 vaccines.

Sa pamamagitan ng pagsertipika bilang urgent, maaari ng ipasa ng Kongreso ang panukalang batas sa second at third reading sa parehong araw.