Panibagong record-high ang naitala sa bilang ng mga bagong gumaling sa COVID-19 base sa report na inilabas ng Department of Health ngayong gabi ng Linggo, Oktubre 3.
Base sa report, 45,249 ang gumaling sa COVID-19, na mayroon nang kabuuang bilang na 2,442,623.
Naitala ang ganito karaming bilang ng mga gumaling sa COVID-19 kasunod ng pag-aamin ng DOH na nakaranas sila ng technical issues sa COVIDKaya, ang kanilang digital platform kung saan nakalagay ang datos ng lahat na nagpositibo sa sakit.
Abril ng kasalukuyang taon nang huling nakapagtala ng 41,205 na gumaling sa COVID-19 sa buong bansa.
Samantala, ayon sa DOH, 13,273 ang bilang ng mga bagong COVID-19 cases, na kasalukuyan ay mayroon nang total tally na 2,593,399.
Mula sa kabuuang bilang na ito, 112,008 pa ang aktibong kaso o iyong mga nagpapagaling pa.
Ang death toll naman sa ngayon ay 38,768 na makalipas na 112 pa ang binawian ng buhay dahil sa COVID-19.
Ayon sa pinakahuling ulat ng kagawaran, lahat ng mga laboratoryo ay operational noong October 1, 2021 habang mayroong tatlong laboratoryo na hindi nakapagsumite ng datos sa COVID-19 Document Repository System.