-- Advertisements --
V12 1
IMAGE | Health Usec. Maria Rosario Vergeire/Screengrab, DOH

MANILA – Tiniyak ng Department of Health (DOH) na bukas ang mga laboratoryong nagsasagawa ng COVID-19 test sa gitna ng Holy Week holiday.

Ayon kay Health Usec. Maria Rosario Vergeire, nagpadala na ng kautusan ang ahensya sa mga regional offices para masigurong tuloy-tuloy ang operasyon ng mga laboratoryo.

“Nagpalabas na tayo ng memorandum sa ating mga regional directors to make sure that there is continuity of operations of all our laboratories for this coming holidays,” ani Vergeire sa isang press briefing.

Itinuturing na regular holiday ang Maundy Thursday at Good Friday. Habang special non-working holiday ang Black Saturday.

Umapela ang Health department sa mga laboratoryo na huwag ihinto ang operasyon kahit holiday dahil patuloy na tumataas ang kaso ng COVID-19 sa bansa.

“Kailangan tayong bukas para magkaroon ng tuloy-tuloy na pagmo-monitor nitong mga kaso (ng COVID-19) na pumapasok.”

Nitong Martes sinabi ng DOH na isasama na rin sa total case tally ng COVID-19 ang mga magpo-positibo sa rapid antigen test.

Ayon kay Vergeire, ipapatupad lang ang bagong polisiya sa mga lugar na sakop ng “NCR Plus,” tulad ng Metro Manila, Cavite, Laguna, Bulacan, at Rizal.

“This can hasten and can facilitate our response on the ground para mas magkaroon tayo ng pagputol ng transmission ng sakit na ito.”

Batay sa huling datos ng DOH, aabot na sa 741,181 ang tinamaan ng COVID-19 sa Pilipinas.