Aabot na sa 12,000 COVID-19 tests kada araw ang kayang gawin ng Pilipinas, ayon kay National Task Force Against COVID-19 deputy chief implementer Vince Dizon.
Pahayag ito ni Dizon ilang oras matapos na bisitahin niya kasama ang iba pang government officials ang mega swabbing center sa Mall of Asia Arena sa Pasay, City.
Mababatid na ang iba pang mega swabbing centers ay matatagpuan sa Palacio de Maynila sa Pasay CIty, Enderun Tent sa Taguig City, at Philippine Sports Stadium sa Philippine Arena sa Bulacan.
Target ng pamahalaan na makapagsagawa ng 5,000 tests kada araw sa lahat ng apat na swabbing centers, at kabuuang 30,000 tests kada araw sa katapusan ng Mayo.
“Sa susunod na linggo, makukuha na natin ang target natin na 5,000 tests a day kapag fully operational na lahat ang ating mga swabbing center,” ani Dizon.
Hanggang kahapon, Mayo 6, natukoy na 131,000 indibidwal na ang sumailalim sa COVID-19 tests nationwide, ayon sa Department of Health (DOH).
Sa ngayon, 23 ang accredited laboratories sa buong bansa na nagsasagawa ng PCR-based tests.
Humigit kumulang 800 government workers naman ang nagboluntaryong magtrabaho sa swabbing centers bilang mga encoders at barcoders.
Nauna nang inatasan ni Executive Sec. Salvador Medialdea ang mga Cabinet members na magsumite sa Office of the President ng listahan ng nasa 100 personnel na itatalaga sa swabbing centers.